Kahit nadagdagan na ang mga bansang may ipinatutupad na temporary travel restrictions dahil sa mas nakakahawang bagong strain ng COVID-19, maaari pa ring umuwi ang mga OFW pero may mga kondisyon.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing kabilang sa kondisyon ang pagpapa-swab test ng mga uuwing OFW, at kahit negatibo ang resulta ng test ay kailangan pa rin nilang sumailalim sa 14-day quarantine.

Napagkasunduan umano ito sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases nitong Martes ng gabi.

"If they [OFWs] want to come home, they should undergo yung swabbing test, and even if they are negative, when they arrive here, they will be subject to yung 14-day quarantine," saad ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sinabing sa United Kingdom unang natuklasan ang bagong variant ng virus na unti-unti na ring kumakalat sa iba't ibang bansa.

Kabilang sa mga bansang may ipinatutupad na travel restriction ang mga sumusunod:

  • Switzerland
  • Denmark
  • Hong Kong
  • Singapore
  • Ireland
  • Japan
  • Germany
  • Australia
  • Iceland
  • South Africa
  • Italy
  • Israel
  • Spain
  • Netherlands
  • Lebanon
  • Canada
  • Sweden
  • France
  • South Korea

Ayon kay Bello, napag-usapan din sa pulong ang planong dagdagan ang bansang isasama sa travel restriction na mayroon na rin kaso ng bagong variant ng virus.

Kinabibilangan ito ng mga bansang Portugal, Jordan, Finland, India at Belgium.

Samantala, hinihintay naman ang kumpirmasyon kung may bagong variant na rin ng virus sa China and Taiwan.--FRJ, GMA News