May ilang Filipino na kasama sa daang-daang tagasuporta ni President Donald Trump na sumugod sa US Capitol nitong Miyerkules (US time) para pigilan ang Kongreso na ideklara ang pagkapanalo ni Joe Biden sa katatapos na pampanguluhang halalan nitong Nobyembre.

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita," sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, na galing sa iba't ibang estado ng Amerika ang mga Pinoy na sumama sa protesta.

"Ang balita namin merong mga iba na Trump supporters and nakita namin galing din sa ibang states dito sa Amerika, pero hind namin sigurado kung ilan sila," anang embahador.

Sa video, makikita ang ilang nagprotesta na binasag ang mga salamin sa bintana at may mga pulis na naghagis ng teargas sa loob ng US Capitol para itaboy ang mga tao.

Ayon sa local media, isang tao ang nabaril at may isang tao na inilabas sa gusali na nasa stretcher.

Sa kabila ng kaguluhan, sinabi ni Romualdez na hindi naapektuhan ang operasyon ng embahada dahil malayo ito sa US Capitol.

"Ang ginawa namin, ibinoard up din namin [yung embassy], siyempre we're trying to see kung mag-spillover sa may Massachusetts Avenue kung nasaan yung ating embassy at chancery," anang opisyal.

Idinagdag ni Romualdez na "under control" ng US security forces ang sitwasyon.

Ilang oras matapos ang pagsalakay, naitaboy ng mga awtoridad ang mga nagpoprotesta at natuloy din ang pagdeklara ng Kongreso sa pagkapanalo ni Biden bilang bagong pangulo ng Amerika.

Ayon naman kay presidential spokesperson Harry Roque, inaalam pa ng Philippine embassy kung may mga Filipino na nasaktan sa nangyaring protesta.

“Kampante po ang ating Secretary of Foreign Affairs na hindi naman po matitinag ang demokrasya diyan sa Amerika sa panandaliang pagkakagulong nakikita natin,” sabi ni Roque sa press briefing.

“Ang importante lang ngayon ay masiguro na walang Pilipino po na mapasasama sa gulo na iyan,” dagdag niya.--FRJ, GMA News