Inihayag ng Department of Health (DOH) at Philippine Genome Center (PGC) na isang Filipino na galing sa Dubai ang nakitaan ng bagong coronavirus variant na unang nadiskubre sa United Kingdom.

“The DOH and the PGC today officially confirm the detection of the B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (UK variant) in the country after samples from a Filipino who arrived from the United Arab Emirates on January 7 yielded positive genome sequencing results,” saad sa pahayag nitong Miyerkules.

Ang lalaking pasyente na nakatira sa Quezon City ay umalis umano ng bansa at lumipad sa Dubai para sa negosyo noong December 27. Bumalik siya sa Pilipinas nitong Enero 7 via Emirates Flight No. EK 332.

Nang dumating sa Pilipinas, sumailalim ang lalaki sa mandatory quarantine at nagsagawa ng swab test kung saan nagpositibo ang siya sa COVID-19. Kaya nagsagawa sa kaniya ng gene sequencing upang alamin kung nagkaroon ng mutation sa kaniyang virus.

Negatibo naman sa virus ang kasama niyang babae na naka-quarantine din.

May 30 bansa ang isinailalim ng Pilipinas sa temporary travel restriction dahil sa pangamba sa UK variant ng virus na sinasabing mas mabilis makahawa.

Dahil sa naturang travel restriction, hindi maaaring makapasok sa bansa ang mga dayuhan na mula sa mga bansang mayroon nang kaso ng UK variant ng virus.

Pinapayagan naman ang mga Filipino na makauwi o bumalik sa Pilipinas na manggagaling sa mga bansang nakapailalim sa travel restriction.

Mayroon pang limang variant ng virus ang minomonitor ngayon:

  • South Africa: 501Y.V2, na nakita sa 10 bansa
  • Malaysia: 1701V
  • Nigeria: P681H
  • Denmark: Cluster 5, at ang 
  • China: D614G, na laganap na sa mundo.

FRJ, GMA News