Nabigyan na ng unang dose ng COVID-19 vaccine ng Moderna ang 73-anyos na si Philippine Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing ginawa ang pagbakuna kay Romualdez sa Washington DC Hospital.

"I received the first dose of Moderna's COVID- 19 vaccine as part of the continuous roll out of Washington D.C.'s phased-based vaccination program days before the inauguration of President-elect Joe Biden and Vice-President-elect Kamala Harris," ayon kay  Romualdez.

Ilang linggo naman ang palilipasin bago ibigay sa embahador ang ikalawang dose ng Moderna, na sinasabing magsu-supply din sa Pilipinas ng nasa 25 milyong doses ng bakuna.

Sa Saudi Arabia naman, COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech ang itinurok kay Philippine Ambassador Adnan Alonto at sa kaniyang asawa.

Ayon kay Alonto, Disyembre 29 itinurok sa kaniya ang first shot ng bakuna, at nitong Martes naman ibinigay ang second shot.

“Ako po ay 62 years old at very susceptible po ako. In fact, my wife have contracted COVID last September so nalagay po kami sa panganib,” ayon sa embahador.

Sinabi ng embahador na maayos ang vaccination rollout sa Saudi Arabia at itinakda ang prayoridad ng babakunahan batay sa edad at medical condition.

Mayroong online application para makapamili ng araw at oras ng pagpapabakuna at kung saang lugar.--FRJ, GMA News