Isiniwalat ng isang overseas Filipino worker na dinala sa Syria ang umano'y raket ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa paliparan para makalipad siya nang walang aberya kapalit ng P50,000 na lagay.

Sa pagdinig ng Senado nitong Martes, ipinakita ni Sen. Risa Hontiveros sa mga mamamahayag ang video testimony ng OFW na itinago sa pangalang "Alice."

Ayon kay Alice, pinangakuan siya ng kaniyang recruiter ng trabaho sa Dubai, United Arab Emirates, pero matapos ang layover sa Malaysia ay nalaman niyang sa Syria siya dadalhin.

Kuwento pa ng OFW, nagbayad ang kaniyang recruiter na si "Ana," ng P50,000 sa tauhan ng BI para sunduin siya at ilan pang babae sa counter number 1 immigration desk sa airport.

“Naririnig ko … ‘Magbayad muna si Ana sa immigration bago palusutin ang mga tao ninyo.’ … [Ang bayad] bawat isa ay P50,000," aniya.

"Iba pa sasalubong sa gate, iba pa yung line number 1 … babae 'yung nasa counter 1. Iba sumalubong sa 'kin pagkatapos ko sa gate, counter 1, and then hanggang makarating ng eroplano, meron din,” dagdag niya.

Sa Rizal Part sa Maynila umano nagbayaran ng P50,000 ang kaniyang recruiter at tauhan ng BI.

BINILI NG $1,000

Pagdating sa Syria, sinabi ni Alice na may sumalubong sa kanila na tauhan ng recruitment agency at ikinulong sila. Kinuha rin umano ang kanilang mga cellphone.

Pagkaraan ng 12 araw, mayroon umanong Syrian na bumili sa kaniya sa halagang US$1,000. Aniya, kamag-anak umano ng pangulo ng Syria ang kaniyang naging among babae na mayroong bodyguard.

"Five months ko dito nakaranas ako ng pananakit kasi nagpaalam ako na uuwi ako kaya nagalit sila. Sinaktan ako saka 'yung mga pangalawa, 2020, sinaktan ulit ako dahil nabasa nila mga email ko, kinuha nila kasi tumatawag embassy sa kanila na humihingi ako ng tulong," kuwento ni Alice.

"Hinahawakan, tinatadyakan, sampal, sabunot, kaladlad.. ng bodyguard," patuloy niya.

Kalahati lang umano ng pangakong $400 na buwanang sahod ang kaniyang natatanggap.

Ayon kay Hontiveros, mistulang pang-aalipin ang sinapit ni Alice na nagtatrabaho ng 10 a.m. hanggang 3 a.m.

"Hindi ito employment, ito ay slavery. One thousand US dollars, so kung may P50,000 na ibinayad sa ating sariling BI, may US$1,000 dollars, katumbas ng P50,000 pesos ulit na binayad ng amo para ibili sila na parang alipin," anang senadora.

Ayon kay Hontiveros, hihilingin niya sa BI ang pangalan ng immigration officers na nagtatak sa pasaporte ni Alice dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.

“Malaki-laki ang penalty dito at non-bailable. This is a case of large-scale trafficking, and trafficking in syndicate. Life imprisonment ang parusa dito,” ayon sa mambabatas.

Mayroon pa umanong hawak na dalawang testimonya si Hontiveros na ipakikita niya sa susunod na pagdinig ng Senado.

Gaya ni Alice, hindi rin umano batid ng mga biktima na sa Syria sila dadalhin at nakaranas din ng pang-aabuso.

"Samu’t saring klase na ang abuso ang naranasan nila. Tapos mukhang sangkot pa ang sarili nating opisyal sa pagpapahamak sa kanila. Our immigration officers seem to be sending our women into slavery,” ani Hontiveros.

“I am calling the Department of Foreign Affairs and the Department of Justice to attend to this matter immediately. In the middle of a global pandemic, our kababayans (fellow Filipinos) are stuck in a war-torn country," hiling niya.

Samantala, sinuportahan naman ni BI Commissioner Jaime Morente ang ginagawang Senate investigation tungkol sa trafficking of women.

"This investigation is another step towards eradicating human trafficking from our country by finding its root cause, as well as cutting down any growth that may have emerged from this societal weed," ayon sa opisyal.

Papanagutin din umano ni Morente ang mga tauhan na nagkasala.

"The Bureau has been constantly fighting the battle against trafficking for more than a decade, when we initially implemented strict departure formalities for Filipino citizens," pagtiyak niya.

"As proven in the past, we will not hesitate to put to justice any immigration personnel implicated in trafficking schemes," dagdag pa ni Morente.—FRJ, GMA News