Binago ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) ang nauna nilang inilabas na memorandum sa paghihigpit ng international travel dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa Memorandum Circular No. 6 na may petsang March 18, 2021, nilinaw ng NTF na ang lahat ng Filipino citizens, pati na ang mga hindi overseas Filipino workers (OFWs), ay papayagan nang pumasok sa Pilipinas.

Nakasaad din sa kautusan na hindi muna papayagang pumasok sa bansa ang mga dayuhan mula Marso 22 hanggang Abril 21, 2021.

Pinalitan ng bagong kautusan ang direktiba na may petsang March 16 na nagtatakda sa lahat ng kinauukulang ahensiya na ipatupad ang direktiba mula Marso 20 hanggang Abril 19, 2021.

Sa dating kautusan, tanging ang mga uuwing OFW lamang ang papayagang makabalik sa bansa.

Ang mga dayuhan na hindi kasama sa travel restrictions at ang mga diplomat at miyembro ng international organizations at kanilang dependents 9(c) o 47(a)(2) visa at the time of entry;  mga foreign national na kasama sa medical repatriation; foreign seafarers sa ilalim ng "Green Lanes" program for crew change; mga foreign spouses and children ng mga Filipino citizen na may valid visas at the time of entry; at emergency, humanitarian at iba pang analogous cases na aprubado ng NTF.

Ayon sa NTF sa March 22-April 21 period,  ang pagbiyahe ng mga Filipino at exempted foreign nationals, "shall be subject to the arrival quota set by the Department of Transportation."

Si Secretary Delfin Lorenzana, ang nakapirma sa bagong memorandum circular, bilang NTF chairperson.  —FRJ, GMA News