JEDDAH —Tinapos na ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang "kafala" o sponsorship system sa ilalim ng bagong Labor Reform Initiative na nagsimula nito lamang nakalipas na ika-14 ng Marso.

Kung sa dating kafala system ay nakatali ang mga kamay ng dayuhang manggagawa sa kanilang mga employer, sa bagong Labor Reform Initiative (LRI) malaya nang makakahanap ng ibang trabaho ang isang dayuhang manggagawa pagkatapos ng isang taong pagtatrabaho sa kaniyang employer, at malaya na rin silang makakalabas at makakapasok ng Kaharian na hindi na kailangan ng permiso ng kanilang employer.

Dahil sa pagkaka-abolish ng Kafala System nagkaroon na ng pag-asa ang maraming mga OFW na matagal nang may mga problema sa kanilang trabaho.

Ilan sa mga OFW na nakausap ng GMA News ang nagpahayag ng kanilang kasiyahan sa pagkaka-abolish ng sponsorship system.

"Masaya kasi parang nabigyan tayo ng pagkakataon na maghanap ng sariling sponsorship, parang ako hindi ako masaya sa company ko kasi hindi enough yung salary," ayon kay Yarra, nagtatrabaho bilang cleaner.

Sasamantalahin daw niya ang pagkakataon na makalipat ng ibang kumpanya.

Excited namang nagpunta ng Jawazat o immigration ang OFW na si Darwin upang magtanong kung puwede na lumipat ng ibang kumpanya at 20 years na raw siyang nagtatrabaho bilang merchandizer sa kaniyang kumpanya pero gusto raw niyang subukan lumipat ng ibang kumpanya.

"Sa excitement ko po, nagpunta po ako kagabi sa Jawazat bandang alas nuwebe, nagtanong tanong ako doon dahil excited sa bagong patakaran, nung dumating ang ala-una ay wala pa rin daw, meron pa daw silang hinihintay at sa katapusan pa daw yan ang sabi," ayon kay Darwin

Sinabi naman ni Ranier Lapuz na napakalaki daw ng epekto sa mga dayuhang manggagawa ang pagkakaalis ng sponsorship system sa Saudi lalong lalo na sa maraming OFWs na nakaranas ng pang-aabuso sa kanilang mga pinagtarabahuhan.

"Ang masasabi ko personally sa panahon ngayon parang ang dami dami nang nagiging changes sa Saudi Arabia especially when it comes to labor reform law. Kahit anong batas meron epekto sa mga OFW. Pero I belive na ang pamahalaan ni-reform nila ang mga batas nila para sa kapakanan ng expatriates, particularly sa mga Pilipino. Marami kasing mga kababayan nating naabuso sa kanilang mga employer," pahayag ni Lapuz.

Pinuri naman nang Philippine Consulate General sa Jeddah ang bagong Labor Reform Initiative ng kaharian. Ayon kay Consul General Edgar Badajos na malaking epekto ang bagong batas ng Saudi Arabia sa maraming mga OFWs na may mga problema sa kanilang mga trabaho.

Maganda anya ang bagong batas para sa mga expatriate, pero pinaaalalahanan ni Badajos na 'wag muna gumawa ng aksyon habang wala pang malinaw na guidelines sa ilalim ng bagong labor reform initiative.

Magkakaroon daw anya ng forum ang magkabilang panig upang talakayin at malaman ang mga nakapaloob sa bagong batas ng KSA.

"Magkakaroon tayo ng forum sometime in April between the Saudi Government and the Philippine Government at pag-uusapan ito mismo itong Labor Reform Initiative, tatalakayin nila yan ng maliwanag ano ba talaga yan, paano ba magbe-benefit ang ating mga kababayan," ayon kay Badajos.

Dagdag niya: "Sa ngayon 'wag po muna tayong gumawa ng kung anu-anong conclusion tungkol diyan because we are not the expert on this subject, the expert are the officials of the Saudi government in the ministry of labor, tutulungan nila tayo intindihin iyan ng mas mabuti."

Sinabi ni Badajos na hindi umano kasama sa bagong labor reform initiative ang mga nagtatrabaho sa household service workers tulad ng mga domestic workers at family drivers.

Bagamat meron dahilan upang magsaya ang mga kababayan natin, sinabi ni Badajos na kailangan daw munang pag-aralang mabuti ang bagong patakaran na ito.

"Hintayin po natin ang implementing regulation na ipapalabas ng Human Resources Ministry ng Saudi Arabia para malaman natin talaga kung paano ba tayo mag be benefit sa bagong development na ito," payo ni Badajos  —LBG, GMA News