Nabisto ang pagpupuslit ng ilang menor de edad gamit ang mga dinoktor o pinekeng passport para makapagtrabaho sa Syria, sa pagsasagawa ng pagdinig ng Senado tungkol sa "pastillas scheme."

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing ipinakita ng Senate Committee on Women and Children ang tatlo sa mga naging biktima ng "outbound pastillas."

Isa na rito si "Lenlen," ang pinakabata sa mga biktima, na 14-anyos lamang nang ipadala sa Syria matapos duktorin umano ng recruiter ang kaniyang passport para maging mas matanda siya ng isang dekada at makalusot sa immigration.

"Mahirap po 'yung trabaho tapos po hindi ka pa nila pinapakain nang maayos at sinasaktan pa po nila... Halimbawa, 'yung sinasampal po, pinapalo, kinukurot, pinapalo ng pinaglilinis namin ng... 'yung map," sabi ni Lenlen, na nag-akalang sa Dubai siya magtatrabaho.

Labing-limang taon na siya nang madala sa shelter ng embahad. Pero nagkaroon din siya ng masamang karanasan sa isa sa mga empleyado ng embahada nang sabihan siya nito ng mga malalaswang salita.

Ayon pa kay Lenlen, marami pang mga menor de edad ang nabiktima ng human trafficking sa Syria.

Ang isa pang biktima na si "Aleah," inabutan na ng giyera sa Syria at nawala pa ang pasaporte kaya tumagal ang kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.

"Tingin ko po nakaka-influence po 'yun doon sa bakit Muslim women 'yung nata-traffic, dahil doon po nangyayari 'yung recruitment sa rural areas ng Mindanao," sabi ni sabi ng immigration officer at whistleblower na si Allison Chiong.

"Pero at the same time, 'yung mga Muslim women kasi is nakabelo sila and minsan nga po mata lang ang kita. Mahirap po i-profile ang passenger kasi nakatakip po 'yung mga mukha nila so it adds a layer of camouflage, mas madali po silang ma-traffick, mas prone po sila sa trafficking," patuloy niya.

Hindi na sinusuri ang isang pasaherong nakalista sa listahan ng "pastillas" at tatakan na lamang ang kaniyang passport.

Sinabi ng Bureau of Immigration na naipasa na nila sa Department of Justice ang resulta ng imbestigasyon ng kanilang fact-finding committee para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo, at inalis na sa airport ang mga opisyal na sangkot umano sa pastillas scheme.

Mula 2018 hanggang 2019, sinabi ng immigaration na 203 suspected minors ang napigilan nilang makalabas ng bansa.

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na halos lahat ng pasaporte ay iniisyu ng DFA sa Cotabato, pero nakipag-ugnayan na si DFA Usec. Sarah Lou Arriola para sa pagsusuri.--Jamil Santos/FRJ, GMA News