Isang Pinay ang ginawaran ng humanitarian award sa Dubai dahil sa pag-donate niya ng breastmilk sa mga sanggol na nawalay sa kani-kanilang ina dahil sa pandemic.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing halos 40 sanggol ang natulungan ni Chinie Jane Ching.

Ayon kay Ching halos isang taon na niyang ginawa ang pagdo-donate ng breastmilk.

Suportado naman ng kaniyang mister ang kaniyang ginagawa dahil ito pa raw ang naghahatid ng mga idino-donate niyang gatas sa mga ospital.

Napag-alam na dating flight attendant si Ching na nakapagtapos ng short course sa caregiving sa Dubai.

Gusto rin daw ipahatid ni Ching sa mga kapuwa niya OFW ang kahalagahan ng pagtulong sa lalo na ngayong panahon ng pandemic. --FRJ, GMA News