Kabilang ang isang kawani ng Philippine Embassy sa India sa mga nasawi sa COVID-19 sa nabanggit na bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay GMA News reporter JP Soriano, ang malungkot na balita ay inihayag ng DFA matapos na makapagtala ng mahigit 4,000 na mga bagong nasawi ang South Asian nation nitong weekend.
Nitong Linggo, umabot na ang total deaths sa India sa 242,362 habang mahigit 22 milyon na ang kabuuang kaso ng COVID-19 matapos madagdagan ng 403,738.
JUST IN: One personnel (member of the staff) of the Philippine embassy in India has died from COVID-19 the DFA confirmed to | via @jpsoriano pic.twitter.com/MxvjdVzwD8
— GMA News Breaking (@gmanewsbreaking) May 10, 2021
Dahil napupuno na ng pasyente ang kanilang mga ospital at dumadami ang mga bangkay na dinadala sa mga crematorium, nagpapatupad ng mas mahigpit na lockdown sa iba't ibang lugar para malimitahan ang galaw ng mga tao at maibaba ang bilang ng hawahan.
Nauna nang iniulat ng embahador ng Pilipinas sa India na may dalawang Pinoy ang nasawi sa COVID-19 sa nabanggit na bansa. — FRJ, GMA News