Nagpositibo sa COVID-19 ang 12 tripolanteng Pinoy na sakay ng barkong galing sa Indonesia at nakatakdang dumaong sa Albay sa Martes ng hapon. Mahigpit na binabantayan ang mga nanggagaling sa Indonesia dahil sa dumadaming kaso ng COVID-19 na hinihinalang sanhi ng mas nakahahawang Delta variant.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dumaong muna ang sinasakyan ng mga Pinoy na isang tugboat at barge sa pantalan sa Butuan City sa Mindanao noong July 14 at sumailalim sa COVID-19 test ang 20 crew ng barko.

Ang isa sa kanila, bumaba sa Butuan, habang nagpatuloy naman sa pagbiyahe ang iba pa papuntang Albay kinagabihan.

Pero habang nasa laot, nalaman nilang positibo sa virus ang 12 sa kanilang mga kasamahan, kabilang ang bumaba sa Butuan.

Ayon sa kapitan ng barko, maayos ang kanilang lagay at asymptomatic ang mga kasamahan na nagpositibo sa virus.

Inaasahan na darating ang barko sa Martes ng hapon sa Lidong port sa Sto, Domingo, Albay. Pero dahil sa nangyari, sinabi ng kapitan na hindi sila dadaong hangga't hindi sila binibigyan ng permiso ng Task Force COVID-19 Bicol at mga opisyal.

Sa ngayon, mayroong 35 Delta variant cases sa Pilipinas, na kinabibilangan ng 11 local cases,  at dalawa sa mga pasyente ang nasawi.

Dahil sa pagdami ng COVID-19 cases sa Indonesia na pinaniniwalaang dulot ng Delta variant, isinama na ito sa pitong bansa na may pinapairal na travel ban ang Pilipinas, ang mahigpit ding binabantayan ang mga barko at bangka na manggaling doon.--FRJ, GMA News