Nakatanggap din ng tulong mula kay Willie Revillame ang 15 kasamahan ng isang overseas Filipino workers na naka-quarantine ngayon sa Qatar.

Sa isang video ng "Wowowin-Tutok To Win," ang OFW na si Lourdes Navigante, ang napalad na natawagan ng programa na binibigyan ng kaunting pinansiyal na tulong.

Pero nang malaman ni Kuya Wil na mayroon pang ibang OFWs na kasama si Lourdes at pawang naka-quarantine din, pinili niyang bigyan na rin ng tulong ang mga ito.

Ayon kay Lourdes, mga bagong dating sila na mga kasambahay sa Qatar na kailangan munang mag-quarantine.

Dalawang OFWs daw ang magkakasama sa walong kuwarto na kanilang kinaroroonan.

Kuwento ni Lourdes, ikalawang sabak na niya bilang kasambahay sa abroad ang pagpunta niya sa Qatar para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Naiwan daw niya sa kaniyang pag-alis ngayon sa Pilipinas ang tatlo niyang anak na magdadalawang-taon pa lang ang bunso.

Bilang tulong, binigyan ni Kuya Wil ng P20,000 si Lourdes, at tig-P5,000 naman sa 15 OFWs na kasama niya.

Pero nang i-compute ni Kuya Wil na aabot lang sa P75,000 ang total ng tig-P5,000 sa bawat OFWs, nagpasya ang TV host na dagdagan ito at ginawa na niyang tig-P10,000 bawat isa.

Napasigaw sa tuwa ang mga OFW at nagpasalamat sa regalo ng TV host.

"Para naman makapagsimula kayo. Yung perang 'yan puwede ninyong ipadala sa mga mahal niyo sa buhay dito sa Pilipinas, at alam ko wala kayong naiwan na pera sa kanila, " sabi ni Kuya Wil.--FRJ, GMA News