Dalawang mangingisdang Filipino sa Saudi Arabia ang ilang araw nang nawawala matapos umanong kunin ng mga lalaking naka-unipormeng pang militar.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang dalawang overseas Filipino workers na sina Eduardo Gabriel at Ariel Quintana.

Huli umanong nakita ang dalawa na habang nasa laot sa hangganan ng Saudi Arabia at Eritrea.

"Noong September 4 po may tumawag sa akin na pinaalam sa akin na hindi pa raw po umuuwi 'yong asawa ko at tsaka 'yong isa niyang kasama," ayon kay Lilibeth Gabriel, asawa ni Eduardo.

Humingi ng tulong sa pamahalaan ang pamilya ng mga OFW na mahanap ang dalawa.

Ayon kay Annalyn Quintana, asawa Ariel, sinabihan siya na patuloy ang isinasagawang search operations.

Sinabi naman ng Philippine Overseas Labor Office na iimbestigahan nila ang insidente.--FRJ, GMA News