Masayang nakauwi at magdiriwang ng Pasko sa Pilipinas ang mahigit 400 stranded Filipinos na mula sa Dubai, United Arab Emirates.

Ayon sa Cebu Pacific, 469 na Filipino ang naiuwi sa bansa sa pamamagitan ng tatlong Bayanihan flights ngayong linggo. Tugon ito sa panawagan ng pamahalaan na tulungan ang mga stranded na Pinoy sa Middle East.

Sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), isinagawa ng Cebu Pacific ang flights mula Dubai-Manila nitong Lunes Monday at Dubai-Davao nitong Miyerkules at Huwebes.

"We are happy to keep on supporting the government in bringing home more fellow Filipinos.  We are honored to help them reunite with their loved ones, especially now that we are entering the holiday season,” pahayag ni Cebu Pacific Chief Strategy Officer Alex Reyes.

Isinailalim ang mga umuwing Pinoy sa RT-PCR swab test at mananatili sa facility-based quarantine.

Sasagutin ng OWWA ang quarantine accommodation at testing costs sa land-based OFWs, habang ang gastusin ng sea-based OFWs ay sasagutin ng Philippine Port Authority. —FRJ, GMA News