Patay ang isang lalaking Filipino-Sri Lankan na advocate ng LGBTQ+ community matapos siyang barilin habang nakatayo sa labas ng isang bahay sa Palmer Square sa Chicago.
Ayon sa ulat ng CBS, kinilala ang biktima na si Suraj Mahadeva, 26-anyos, na nagtatrabaho bilang medical clinician at may degree sa neuroscience sa kolehiyo.
Base sa Chicago Police Department, nakatayo si Mahaveda sa beranda ng bahay ng isang kaibigan malapit sa intersection ng Albany at Dickens avenue sa Palmer Square nang barilin siya ng hindi pa nakikilalang salarin.
Natagpuan si Mahaveda ng isa sa kaniyang mga kaibigan na may tama ng bala sa ulo. Pumanaw si Mahaveda sa ospital kalaunan.
Isinagawa ang burol sa kaniya nitong Huwebes.
“Suraj was a beautiful, brilliant person—always charismatic, effervescent, happy,” sabi ni J. Saxon-Maldonado, kaibigan ng biktima, sa panayam sa kaniya sa CBS ni Charlie De Mar.
Naniniwala si Saxon-Maldonado na hindi ito simpleng pagpatay lamang dahil sa estilo ng pamamaslang.
Wala pang nadakip kaugnay sa pagkamatay ni Mahaveda.
Plano naman ng kaniyang pamilya na magsagawa ng kanilang memorial sa Michaigan para sa pag-alala sa biktima--Jamil Santos/FRJ, GMA News