Isang overseas Filipino worker (OFW) na nagkaroon ng problema sa kaniyang amo sa Kuwait ang natulungan gamit ang mobile app na Abizo OFW.
Sa pahayag, sinabi ng Abizo OFW na hindi sinunod ng amo ang kontrata ni Rosalyn Sencil kaya humingi na ito ng tulong.
Naghanap umano si Sencil sa social media ng mahihingan ng tulong hanggang sa makita niya ang Abizo OFW app na suportado ng Philippine Overseas Employment Administration.
Ang Abizo OFW app ay mobile application na bahagi ng Global Monitoring Pilot Project ng POEA.
Maaari umanong mahanap ng Abizo OFW app ang OFW na kailangan ng tulong.
Layunin din ng app na makuha ang accurate number ng OFWs, pati na ang monitor information sa kanilang deployment location, employers, working at living conditions abroad.
Sinabing nag-signed up si Sencil sa free account at nagpadala ng mensahe sa app kaugnay sa kaniyang kalagayan.
“She immediately received a response from the Abizo OFW app’s 24/7 International Emergency Assistance, which connected her with relevant authorities to help in her situation,” ayon sa Abizo OFW.
Noong nakaraang Agosto, natulungan din ng Abizo OFW App ang isang OFW na nakararanas ng mental distress sa kaniyang amo sa Fiji Island.—FRJ, GMA News