Imumungkahi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na itaas sa 7,500 ang deployment cap sa healthcare workers dahil sa pagluwag na ng COVID-19 protocols sa ibang bansa at sapat na rin ang healthcare workers sa bansa.

Sa Laging Handa public briefing nitong Huwebes, sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia, na mahigit 2,000 nurses na naipadala sa abroad mula Enero hanggang Mayo ngayong taon.

"Dahil inaasahan natin na nagluluwag na 'yung protocols at tayo naman ay may supply na ng nurses dahil ang PRC ay nakapag-administer na ng nursing licensure examination last year at saka ngayong taon na ito at may dagdag tayong registered nurses, maaari nating irekomenda sa Mission Critical Skills at doon sa technical group, sa IATF na pwedeng iangat na, increase natin 'yung deployment cap na 7,500," paliwanag ng opisyal.

"Dahil sigurado po pagdating ng katapusan ng 2022 mabi-breach ang 7,500. Dahil sa ngayon mahigit 2,000 na ang nade-deploy," ayon kay Olalia.
Pila ng OFW sa UAE

Samantala, sinabi ni Olalia na tinugunan na ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa Dubai at Abu Dhabi sa UAE ang mahabang pila ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nag-a-apply ng overseas employment certificate (OEC).

"Kaya po nagkaroon ng pila, kasi 'yung usual na 200 to 300 aplikante na nagpapa-verify kada araw ay lumobo at naging hindi bababa ng 800 na nag-apply sa mga nasabing lugar," ayon kay Olalia.

Isa umano sa solusyon na ginawa ng POLO sa Dubai ay ang pagpapatupad ng appointment system.—FRJ, GMA News