Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na umabot sa 34.88% ang naging voter's turnout sa overseas absentee voting ngayong Eleksyon 2022.

Mas mataas ito kumpara sa bilang ng mga Pinoy sa abroad na bumoto noong 2016 presidential elections na nasa 31.45% ang voting turnout.

Ayon kay Acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, mayroong 63 Philippine overseas posts ang ginawang Special Boards of Canvassers na magsusumite ng 26 electronic Certificates of Canvass (COCs) at 37 manually-accomplished COCs.

Umuupo ngayon ang Comelec bilang National Board of Canvassers (NBOC), na bumibilang sa boto ng mga kandidatong senador at partylist group.

“We congratulate and thank the National Board of Canvassers [and] our overseas voters there,” anang opisyal.

Natanggap na ng NBOC ang 16 o 61.54% ng 26 na electronic COCs mula sa mga bansang Korea, Malaysia, Singapore, Lebanon, Oman, Brunei, Agana, Thailand, Athens, Taiwan, Bahrain, the United Kingdom, Japan, at Spain.

Batay sa datos ng Comelec, mayroong 1,697,215 overseas Filipinos ang nakarehistrong botanteng Pinoy sa abroad para sa Eleksyon 2022.

Sa nasabing bilang, 786,997 ang nasa Middle East at African countries; 450,282 sa Asia-Pacific; 306,445 sa North and Latin America; at 153,491 sa Europe.

Una rito, inihayag ni Comelec commissioner Marlon Casquejo, na dumami ang mga Pinoy sa abroad na nakaboto dahil sa "vote anywhere" concept, na maaaring makaboto ang Pinoy na nakarehistro saan bansa man siya naroon.

Pinayagan din ang ilang tauhan ng embahada na puntahan ang OFW sa kanilang lugar para makaboto.

Nitong Miyerkules, idineklara ng Department of Foreign Affairs na tagumpay ang OAV dahil sa mas marami ngayon ang nakaboto sa kabila ng mga pagsubok na hatid ng COVID-19 pandemic.

“It’s a success kasi nalagpasan natin ang record ng 2016 elections. Noong 2016 kasi 31.45% 'yung ating voting turnout…ngayon mas masasabi natin na excited silang bumoto kasi base sa report na natanggap natin everyday na voting turnout ng mga kababayan natin abroad na pumupunta sa mga embassy o nagpapadala ng mga balota nila nasa 32% to 33% ang voting turnout...So, talagang napakaganda at napaka-successful ng ating botohan,” ayon kay DFA Overseas Voting Secretariat director Zolio Velasco.

“Base sa report sa atin, siguro around 500,000 to 550,000 na ang nakaboto. Pero siyempre ito ay hindi pinal na numero kasi patuloy pa rin ang canvassing. Siyempre ang makakapagbigay lang ng final na numero ang Comelec at NBOC," patuloy niya.

Inaasahan na makokompleto ngayon linggo ang resulta ng OAV.

“Kasalukuyan silang nag-canvassing…may mga embahada na manual pa rin ang pagbibilang kasi ito ay mga maliit na population ng mga Pilipino doon,” ayon kay Velasco.

“So, mayroon uuwi dito para dalhin 'yung mga COCs at personal na inihabilin sa NBOC. Pero mayroon din naman automated transmission na ang pagpapadala ng election results nila. So, inaasahan natin within this week matapos tayo,” patuloy niya. --FRJ, GMA News