NEW YORK - Walang Pinoy na nadamay sa panibagong mass shooting sa isang supermarket sa Jefferson Avenue, Buffalo, New York nitong Sabado (New York time), ayon sa Philippine Consulate General.

“Initial reports received by Philippine Consulate General in New York indicate no Filipino casualties in mass shooting incident in Buffalo New York that left 10 people dead," ani Consul General Elmer Cato.

May 540 na Pilipino sa Buffalo, ayon kay Cato.

Patay ang sampung katao at sugatan naman ang tatlo pa nang namaril ang isang 18-anyos na suspek sa nasabing grocery store.

Nangyari ang insidente nitong 2:30 p.m., ayon kay Buffalo Police Department Commissioner Joseph Gramaglia.

Sumuko na ang suspek sa mga pulis.

 

 

 

Ayon sa pulisya, iimbestigahan nila bilang isang hate crime at act of "racially motivated violent extremism" ang insidente.

Kuwento ng mga saksi, pumasok ang suspek sa supermarket na nakasuot ng military-type gear at body armor at may dalang rifle.

Apat sa mga nasawi ay empleyado ng supermarket, kabilang na ang security guard na isang retiradong pulis. Nakipagpalitan daw ng putok ng baril ang security guard sa suspek bago ito nabawian ng buhay.

Kasama rin ang FBI at ang Bureau of Alcohol, Tobacco, Firearms and Explosive (ATF) sa imbestigasyon upang malaman kung saan nakuha ng suspek ang kanyang baril at kung siya ba ay may kasabwat sa insidente. —KG, GMA News