Humingi umano ng paumanhin ang alkalde ng Philadelphia sa pagkamatay ng isang abogadong Pinoy na binaril habang nagbabakasyon sa Amerika.

Ayon kay Philippine Consul General Elmer Cato, nag-alok din si Mayor Jim Kenney ng $20,000 reward sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang bumaril kay Atty. John Albert Laylo.

“I am sorry. It’s terrible,” pahayag ni Cato na sinambit umano ni Kenney sa pulong nila sa Philadelphia City Hall nitong Martes.

Nasa Uber car noong Sabado papunta sa airport si Laylo, 35-anyos, at kaniyang ina, nang pagbabarilin sila ng nakatakas na salarin.

Tinamaan ng bala sa ulo si Laylo, at pumanaw kinalaunan habang ginagamot sa ospital.

Ayon kay Cato,  maaaring maiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ni Laylo sa Martes.

Sinabi pa ni Cato na hiniling ng ina ni Laylo na iparating sa alkalde ang kaniyang pagdadalamhati, galit, at hangad na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng anak.

Tiniyak naman umano ni Mayor na,  “Everything will be done to bring whoever is responsible for the death of her son to justice," sabi ni Cato.

“I also conveyed the great importance the Philippine government places on this case and the hope that authorities would do everything they can to solve the case,” dagdag niya.

Sa naturang pulong, sinabi ni Cato na kasama ni Kenney ang dalawang pulis na bahagi sa imbestigasyon ng kaso. Ayon kay Cato, inihayag sa kaniya na posibleng kaso ng mistaken identity ang nangyari kay Laylo.— FRJ, GMA News