Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na mayroon nang 100 recruitment agencies ang inaprubahan para makapagpadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA). Nirerepaso na rin umano ang mga job order.

Sa isang panayam sa GMA News’ Unang Balita nitong Miyerkules, sinabi ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople, na patuloy ang pagsusuri sa iba pang recruitment agencies.

“Nag-approve na kami ng 100 na recruitment agencies dito tsaka sa Saudi Arabia. Patuloy 'yung pag-a-approve namin,” anang kalihim.

Idinagdag ni Ople na sinusuri na rin ng labor attachés ang mga job order.

Nauna nang sinabi ni Ople na magkakaroon na muli ng whitelist at blacklist ng mga recruitment agency para magabayan ang mga nais magtrabaho sa KSA sa agency na kanilang pupuntahan.

Tanging ang mga agency na nasa whitelist lang ang papayagan at awtorisadong magpadala ng OFWs sa KSA.

Inaasahan ni Ople, na libu-libong OFWs, kabila ang mga construction at domestic workers ang ipadadala sa KSA.

Nitong Nobyembre 7 nang ideklara ng Pilipinas ang pag-alis ng deployment ban ng OFWs sa KSA.

Nauna na ring nagbabala ang DMW sa mga OFW na may makukuhang unpaid salaries at benefits sa KSA, na huwag maniniwala sa mga magpapakilalang “middlemen” at mangangakong mapapabilis ang pagkuha ng kanilang pera.

Tinatayang 10,000 OFWs ang hindi nabayaran ang sahod at benepisyo ng mga kompanya sa KSA noong 2015-2016 matapos magdeklara ng pagkabangkarote.

Kamakailan lang, nangako ang KSA na maglalaan sila ng 2 billion riyals para mabayaran ang naturang mga OFWs.—FRJ, GMA Integrated News