NEW YORK CITY - Humihingi ng tulong sa publiko ang New York Police Department Crime Stopper para kilalanin ang tatlong suspect na bumugbog kamakailan sa mag-inang Filipino-American sa Roosevelt Avenue sa Queens sa New York City.

Nakalabas na sa ospital ang mag-inang sina Cecille Martinez-Lai at ang 24-anyos na anak niyang miyembro ng US marines

Ayon sa kuwento ni Cecille, bandang 2 p.m. noong Huwebes nang ibaba silang mag-ina ng kanyang kapatid sa Roosevelt Avenue at Junction Boulevard nang bigla silang businahan ng isang kulay puting SUV

Aniya, naka-red light naman daw noon at nasa tamang unloading area naman sila ng kaniyang anak. Pero nang makababa raw sila ay paulit-ulit silang sinigawan ng mga sakay ng SUV at tinawag na "ugly Asians."

Hindi na raw nila pinansin ang mga ito pero nang tatawid na raw sila ay bigla silang nilapitan ng mga ito at sinabuyan ng tubig. Dahil sa pagkabigla ay nabato niya raw sa mga suspect ang dala niyang pagkain.

Sa video na inilabas ng NYPD Crime Stopper, makikita ang pagbaba ng tatlong suspek na kinabibilangan ng isang babae at dalawang lalaki sa SUV at ang pagsuntok ng isa sa kanila kay Cecille.

Ayon kay Cecille, nawalan siya ng malay sa lakas ng suntok ng suspek.

"The first impact that I remember is her punching me in the face," aniya.

"I was knocked out unconscious for a little bit. When I came back with my senses, when I woke up, I was worried about my son. I looked at the side and I saw my son was being punched," dagdag pa niya.

Bagama't miyembro ng US Marines, hindi na nagawa pang labanan ng kanyang anak ang mga suspect dahil inisip daw nito ang kalagayan ng kanyang ina na nawalan ng malay matapos suntukin ng isa sa mga suspek.

Sa video na hawak ng NYPD, makikita rin na tila tinangka pang sagasaan ng mga suspek ang mag-ina habang tumatakas.

Nagtamo ang pasa at bukol sa ulo si Cecille habang nagkaroon naman ng orbital fracture ang kaniyang anak.

Kinondena naman ni Filipino-American New York State Assemblyman Steven Raga ang ginawang pagatake sa mag-ina.

Sa isang statement, nagkakaisang inihayag ng mga mambabatas mula sa Queens na sina US Congress member Grace Meng, Deputy State Senate Majority Leader Michael Gianaris, State Senator Jessica Ramos, New York City Council member Shekar Krishnan, New York State Assembly member Jessica Gonzalez-Roxas at Filipino-American New York State Assemblyman Steven Raga na ikinalulungot nila ang sinapit ng dalawang biktima.

"We stand in solidarity with Cecille and her family during difficult time. Within our role as elected officials, we remain firmly committed to combating hate and bigotry in all its form and ensuring that everyone is our community is treated with respect, dignity, and kindness," anila.

"We are close communication with Cecille and her family, the hospital, Community organization, and 115 NYPD present and await further updates," dagdag pa ng mga opisyal.

Inihayag naman ni New York Philippine Consul General Senen Mangalile na nakahanda ang konsulado na tulungan ang mag-ina kahit pa hindi dual citizen ang mga ito.

Nananawagan din si Mangalile sa NYPD na agad na resolbahin ang kaso para agad mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

"The Philippine Consulate General in New York was able to speak with Mrs. Martinez-Lai on March 3 to express our concern and offer whatever assistance we can. Our capability to assist is limited by the fact that Mrs. Lai and her son are not dual citizens. Nonetheless, we call on local authorities to expeditiously resolve this case to prevent any future incidence from occurring," ani Mangalile sa isang pahayag. —KBK, GMA Integrated News