DALY CITY, California - Patay ang isang 27-taong gulang na Fil-Am matapos na barilin umano ito ng kanyang partner sa harap ng kanilang anak na tatlo at apat na taong gulang nitong Marso 6 sa Daly City, California.

Apat na ulit na binaril umano ng suspek na si Romier Narag, 27, ang kanyang partner na si Frances Kendra Lucero na dead on the spot dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa katawan.

Ayon sa imbestigasyon ng Daly City Police Department, nagkaroon ng diskusyon ang mag-partner habang pauwi sa kanilang bahay mula sa isang family dinner.

Napikon umano si Narag kay Lucero kaya binunot nito ang kanyang 9-mm na handgun at binaril umano ang biktima sa harap mismo ng kanilang dalawang anak.

Hindi pa malinaw kung ano ang pinagtalunan ng dalawa.

Agad namang naaresto ng mga pulis ang suspek na ngayon ay nakakulong na sa San Mateo County Jail.

Kasong murder at child endangerment ang isinampang mga kaso laban sa suspek na nakatakdang humarap sa korte sa Marso 16.

Nasa pangangalaga naman ng pamilya ng biktima ang kanyang dalawang anak na sumasailaim din sa social worker evaluation.

Isa namang fund raising ang inorganisa ng pamilya ng biktima para mangalap ng pondo para sa pagpapalibing at suporta sa dalawang anak na naulila. —KG, GMA Integrated News