NEW YORK - Lumahok sa isang rally nitong Biyernes sa Times Square sa New York City ang mga Filipino-American at mga miyembro ng Asian community upang ikondena ang tumataas na bilang ng mga hate crimes laban sa kanila.
Kabilang sa mga nag-rally si Cecille Lai na naging biktima ng assault kasama ang kanyang anak na si Kyle sa Queens, New York City dalawang linggo na ang nakalipas.
Emosyonal si Lai nang magsalita sa harap ng mga nagtipon.
Hanggang ngayon daw kasi ay naaalala pa niya ang mga masasakit na salita at mga hampas na kanyang tinamo sa kamay ng tatlong suspek — isang babae at dalawang lalaki.
“We Asians and all Americans should speak out strongly against anti-Asian hate. We should always report injustices inflicted upon our community. We are a vital part of American society. This is our home. We belong here. My son belongs here. My kids belong here. I belong here. We all belong here. We are Americans. We deserve to feel safe and protected just like everyone else. We all have solidarity to fight the hate and we will do it together,” aniya.
Hinikayat ni Lai ang iba pang naging biktima ng assault na ipagbigay-alam ang mga ganitong insidente sa mga awtoridad.
Nitong buwan lang ay sinigawan umano ng mga suspek at tinawag na "ugly Asians" si Lai at ang kanyang anak at nauwi ito sa pambubugbog sa kanila.
Naaresto na at nakasuhan ang dalawa sa tatlong suspek. Hinahanap pa ng New York Police Department Hate Crimes Task Force ang ikatlong suspek.
Dumalo rin sa rally si Milagros Llama na naging biktima ng unprovoked attack sa Brooklyn bago mag-Pasko.
Ayon sa kanya, iniinda pa rin niya ang sakit mula sa kanyang fractured sacrum na kanyang natamo matapos siyang itulak ng isang suspek. Hindi pa ito nahuhuli.
Naroon din sa rally si Cris Labaco, isang health worker, na naging biktima ng verbal assault din. Habang siya ay bumibili ng disinfectant sa mall, sinigawan siya ng anti-Asian slur ng isang suspek.
“I felt I was this small. The insult really got to me and it made me really feel uncomfortable. So I felt I was not safe... To have this kind of experience is something traumatic you know for everybody. That’s why I'm here also to support our Asian community,” aniya.

Ayon sa annual hate crimes report ng Federal Bureau of Investigation, tumaas ang bilang ng insidente ng hate crimes ngayong taon kumpara sa parehong period nitong nakaraang taon.
Pero may mga insidente ring hindi na nai-report sa mga awtoridad.
Payo naman ni Consul General sa New York Senen Mangalile, dapat ipagbigay-alam ng mga biktima — kahit sila ay undocumented — sa mga awtoridad ang mga ganyang insidente.
“We are of course encouraging our kababayans na naapektuhan na they have to go out and report to the police para lumitaw sa visibility ng police and ng city authorities na meron pang mga ganyan. Kasi if they will be quiet, then they will just you know titiisin na lang nila. Hindi po maaaksyonan ng local law enforcement authority," ani Mangalile.
Ayon naman kay US Representative Grace Meng na nandoon din sa nasabing rally, maghahain siya ng panukalang batas na tatalakay sa mga hate crime. —KG, GMA Integrated News