Nagpapatupad umano ng mahigpit na border control ang pamahalaan ng Egypt sa mga Pinoy na lumilikas mula sa Sudan na may nagaganap na kaguluhan, ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople. Anang kalihim, hindi madali ang sitwasyon at hinikayat niya ang mga kababayan na "magbayanihan."
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Ople na nagdudulot ng problema sa mga lumilikas na Pinoy mula sa Sudan ang mahigpit na pagproseso ng Egypt sa visa upang payagan silang makatawid.
“Ang puwede lang tumawid ng Sudan side, ‘yung may visa. So kahit ako na diplomatic passport holder, hanggang Egyptian side lang ako. Ang meron lang Sudanese visa and diplomatic passport holder, si Ambassador at si Vice Consul kaya sila lang ngayon ang nakatawid,” paliwanag ni Ople.
“Siguro sa dami ng nais tumawid, hindi lang mga Pilipino, nagkakagulo na rin sila. ‘Yung border control, mas mahigpit na ngayon. Bukod do’n sa wala kang passport… ‘yung security pass para makatawid from Sudan side to Egypt and onward to Aswan, doon nagkakaron ngayon ng embudo,” patuloy ng kalihim.
Una nang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega, na tinatayang nasa 700 Filipinos ang nasa Sudan at karamihan ay undocumented. Ang ibang lumilikas, walang pasaporte o paso na ang pasaporte.
Tinatayang nasa 400 Filipinos na ang nailikas mula sa Sudan, ayon sa DFA.
Nitong Miyerkules, iniulat ang hinaing ng ilang Pinoy na nakaalis ng Khartoum, Sudan, pero naipit sila sa border ng Alqin, Egypt dahil walang kawani ng embahada ng Pilipinas ang sumalubong o umalalay sa kanila.
Nagutom at napilitan umano ang mga lumikas na Pinoy na matulog sa gilid ng kalsada matapos ang tatlong araw na biyahe by land sakay ng bus.
Umapela naman si Ople sa apektadong Pinoy, at sinabing hindi madali ang sitwasyon.
“Hindi ito madali. Hindi sa ayaw namin tumulong. Kung puwede lang nand'on na kami sa Sudan side, maski kahapon dumiretso na ‘ko do’n. It’s really ‘yung limitations ng sitwasyon,” paliwanag niya.
“Ang pakiusap namin sa kababayan, please also, magbayanihan spirit tayo. I know it’s difficult. Alam kong sobrang pagod na sila, hindi nila alam ‘yung mangyayari… but we’re really doing our best,” pagtiyak ni Ople.
Nahaharap sa krisis ang Sudan dahil sa agawan sa kapangyarihan mula sa tropa ng kanilang miltar at paramilitary.—FRJ, GMA Integrated News