Napagkalooban ng pardon ang apat na overseas Filipino workers (OFWs) na ilang taong nakulong dahil sa utang sa Saudi Arabia.

Nitong Miyerkules, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Hans Cacdac, na nakauwi na ngayon sa Pilipinas ang apat.

Bago makulong, sinabi ni Cacdac na nagtatrabaho ang mga OFW bilang printing press technician, airconditioner technician, trailer driver, at merchandiser sa Saudi Arabia.

ADVERTISEMENT

“They incurred debts and very unfortunate na tumagal sila sa kulungan. Eventually, and that’s why were thankful to the Saudi government, nakita rin nila ‘yung panahon na kailangan na silang i-release,” pahayag  ni Cacdac sa briefing.

Nakulong umano ang mga OFW sa isang deportation facility ng tatlo hanggang limang taon.

Ayon sa opisyal, binigyan ng financial at reintegration assistance ang mga OFW. Sasailalim din sila sa psychosocial services at susuriin ang kanilang kakayanan para sa posibleng trabaho na puwede nilang pasukan sa abroad o dito sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Cacdac na tutulong din ang pamahalaan sa mga anak ng OFWs para sa kanilang pag-aaral.

Nagpaalala naman ang DMW sa mga OFW tungkol sa pangungutang.

“One message we can make… is for the OFWs to be very mindful of the debts they incur. Kasi very strict, very harsh ang punishment sa host country laws like Saudi’s laws for instance, with respect to unpaid debt,” sabi ni Cacdac.— FRJ, GMA Integrated News