Matapos na hindi makauwi ng anim na taon, laking gulat ng isang ginang nang bigla niyang makasama sa kaniyang kaarawan ang kaniyang anak na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing pinusuan ng netizens ang video sa social media dahil sa sorpresang ginawa ni Stacy Claire Perania para sa kaniyang ina na nasa Nueva Valencia, Guimaras.

Sa video, makikitang inaawitan na ang ginang na nagdiriwang ng kaniyang ika-58 kaarawan nang bigla niyang makita ang anak na si Stacy.

Napasigaw at nagkayap nang mahigpit ang mag-ina.

Ayon sa kapatid na nag-upload ng video, Setyembre nang umuwi si Stacy na isang nurse sa Canada.

Matagal din daw na inilihim ang sorpresa dahil noong Pebrero pa nakabili ng plane ticket si Stacy para sa kaniyang pag-uwi. --FRJ, GMA Integrated News