Nagbitiw sa puwesto at lumayas sa kanilang bansa ang Punong Ministro ng Bangladesh na si Sheikh Hasina. Ang mga Pinoy doon, pinag-iingat at pinayuhang manatili na muna sa kanilang mga tinitirhan.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ni Army chief General Waker-Us-Zaman sa televised address na umalis na si Hasina, 76-anyos, at magtatatag ng interim government para mamamahala sa pagpapatakbo sa bansa.
Kapapanalo lang ni Hasina ng kaniyang ika-apat na termino bilang pinuno ng Bangladesh noong nakaraang Enero.
Pero nitong nakaraang buwan, dumanak ang dugo nang magprotesta ang mga kabataan- partikular ang mga estudyante-- dahil sa kontrobersiyal na quota system sa trabaho sa gobyerno.
Umabot sa mahigit 150 katao ang nasawi sa mga demonstrasyon. Pero ang naturang karahasan, nagpatuloy pa hanggang sa mauwi na sa panawagan ng pagbibitiw ni Hasina.
Dahil sa mga kaguluhan, naglabas ng abiso ang Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes na inilalagay nila sa Alert Level 1 ang sitwasyon sa Bangladesh.
Batay na rin umano ito sa rekomendasyon ng Philippine Embassy sa Dhaka.
“Alert Level 1 reminds all Filipinos in the country to remain indoors and to regularly monitor the situation during this period of transition,” ayon sa pahayag.
Nakahanda naman umano ang embahada sa Dhaka na magbigay ng tulong sa maapektuhang mga Pinoy doon.
“The Philippines calls for the peaceful and orderly transition of power in the People’s Republic of Bangladesh… The Philippines conveys its solidarity with the people of Bangladesh and commits to efforts aimed at restoring peace and stability in Bangladesh,” ayon sa DFA.
Unang inihayag ng Department of Migrant Workers na ligtas ang nasa 700 overseas Filipino workers sa Bangladesh.
Nakahanda rin umano ang ahensiya na ilikas ang mga Pinoy doon kung kakailanganin.
“The first order of priority is to ensure their safety and well-being. We are to check-mark them,” ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac. —FRJ, GMA Integrated News