Nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa U.S. immigration authorities para linawin ang plano ng tanggapan na ilipat umano ang ilang nakadetineng migrante--kabilang ang mga Pilipino-- sa ibang bansa tulad ng Libya, ayon kay Ambassador Jose Manuel Romualdez.

Sinabi rin ni Romualdez, na gusto ring malaman ng embahada kung ano ang lagay ng mga Pilipinong nasa kustodiya ng U.S. at ilan sa kanila ang may utos nang paalisin o i-deport.

“We have already informed the U.S. Homeland Security Secretary and I.C.E. (U.S. Immigration and Customs Enforcement) that the Philippine government will accept any and all Filipinos into the Philippines regardless of their status,” sabi ni Romualdez sa GMA News Online.

Dagdag pa niya, ipinaalam ng embahada na handang makipagtulungan ang Pilipinas sa U.S. para maayos ang naturang usapin sa pagpapauwi ng mga Pinoy na nakadetine.

Nitong Miyerkules, naglabas ng kautusan ang isang federal judge para pansamantalang itigil ang paglipat ng mga migrante sa Libya o sa anumang bansa.

Una rito, binatikos ni Senate President Francis Escudero ang plano ng US na ipadala ang mga migrante--kabilang ang mga Pinoy-- sa Libya, na tinawag niyang “cruel.”

Tinanggihan din ng pansamantalang gobyerno ng Libya na gawing destinasyon ang kanilang bansa ng mga ipatatapon na migrante mula sa U.S., lalo na kung wala silang pahintulot.

Sinabi ni Romualdez na handang tumulong ang embahada sa mga Pinoy na may problema sa immigration issues, pero kailangang “within legal parameters.”

Muli ring hinimok ni Romualdez ang mga apektadong Pilipino na ilegal o nag-overstaying na sa US na boluntaryo na lang umuwi sa Pilipinas, kung wala nang paraan na magagawa upang gawing legal ang pananatili nila sa Amerika.

“But as I have repeatedly stressed on many occasions, the best and most practical advice we can give to undocumented Filipinos is to seek a legal path for their peace of mind,” payo ng embahador. — mula sa ulat ni Michaela del Callar/FRJ, GMA Integrated News