Tinatayang nasa 100,000 hanggang 200,000 Pilipino ang maaaring maapektuhan ng bagong patakaran ng Amerika tungkol sa mga aplikasyon para sa green card ng mga dayuhan na nasa loob ng kanilang bansa, ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez sa panayam ng GMA News.
Kasunod ito ng anunsyo ng US Citizenship and Immigration Services (USCIS) na ang adjustment of status, o ang pag-a-apply para sa legal permanent residency habang nasa loob ng US ay pagbibigyan lamang sa mga pambihirang pagkakataon.
Ayon sa USCIS, discretionary benefit lamang ang adjustment of status, habang ang regular na proseso para sa immigrant visa applications ay ang pagdaan sa consular processing sa ibang bansa.
“Ang estimate na binigay sa akin ng mga nakakaalam ay somewhere between 100,000 to 200,000. Siguro estimate pa lang ‘yan dahil alam mo naman marami tayong mga Pilipino that is almost in all the 50 states,” sabi ni Romualdez.
“So we don't really have the exact number. Pero medyo malaki-laki dahil marami nga nakapunta na dito at sila ang nag-apply ng green card dahil meron silang legal path eh,” dagdag pa niya.
Dahil dito, sinabi ni Romualdez, na maaaring kailanganing bumalik sa Pilipinas ng mga Pinoy na nasa US na naghihintay ng kanilang green card applications upang doon iproseso ang kanilang aplikasyon.
“Ngayon hindi na puwede yung iintayin nila dito yung green card. Kailangan umuwi muna sila at saka doon ipo-process,” sabi ni Romualdez.
Ipinaliwanag ng embahador na sinabi sa kanila na layunin ng bagong patakaran na tugunan ang mga kaso ng mga aplikante mula sa iba’t ibang bansa — hindi lamang mga Pilipino — na hindi na umaalis ng Estados Unidos kapag na-deny ang aplikasyon.
Sinabi rin ni Romualdez na isa pang dahilan ay labis nang nabibigatan ang immigration system at processing centers ng US dahil sa milyun-milyong aplikasyon na kanilang hinahawakan.
Aniya, ang pagproseso ng aplikasyon sa pamamagitan ng US Embassy o consulates sa bansang pinanggalingan ng aplikante, tulad ng Pilipinas, ay makakatulong upang mas direktang ma-review ang mga dokumento at maaprubahan ang immigrant visa applications.
“Talagang yung system nila dito dahil milyun-milyon yung pina-process nila, talagang matagal ang hintay niyan,” ani Romualdez.
“Kaya ang ginagawa nila ngayon, kapag umuwi sila sa ibang bansa o sa kanilang mga bansa, kagaya tayo o sa mga Pilipino umuwi diyan, yung embassy diyan sa Pilipinas, mas puwede nilang i-process ‘yan dahil meron silang mga consulate diyan na magtitingin ang mga papeles at sila na mag-a-approve,” dagdag niya.
Patuloy pa ni Romualdez, “Yan ang sinasabi sa amin na yan ang process na gusto nilang tingnan kasi overwhelmed na yung kanilang immigration office dito, yung processing centers dito sa Amerika.”
Nilinaw naman ng opisyal na walang magiging problema para sa mga Pilipinong nasa Pilipinas na at naghihintay ng kanilang green card applications sa pamamagitan ng US Embassy o consulate.
Maaari ding magkaroon ng mga exemption, lalo na sa humanitarian cases, gaya ng matatandang aplikante o ang mga may mabigat na dahilan upang hindi umalis ng US habang hinihintay ang resulta ng kanilang aplikasyon, ayon kay Romualdez.
Pinayuhan niya ang mga apektadong Pilipino na agad kumonsulta sa kanilang immigration lawyers upang malaman kung maaari silang mapasama sa mga exemption.
“Kailangan tingnan na nila yung kanilang lawyer kung paano nila puwedeng ayusin na hindi na sila kailangang umalis kung mayroon silang exception,” sabi ni Romualdez.
Binigyang-diin din ng embahador ang kahalagahan ng pagsunod sa immigration laws ng US, at nagbabala na ang mga Pilipinong walang legal status sa bansa ay maaaring makulong.
Samantala, sinabi rin ni Romualdez na ang mga Pilipinong may valid working visas sa US ay hindi maaapektuhan sa parehong paraan.
“Basta meron kang working visa, you can legally stay in the United States,” sabi pa ng opisyal. — FRJ GMA News
