Inaresto ng Department of Homeland Security at US Coast Guard sa Los Angeles, California ang isang Pilipinong marino matapos umanong matagpuan sa kaniyang pag-iingat ang nasa 227 kilos ng cocaine.

Ayon sa US Department of Justice, 43-anyos ang marinong Pinoy, na sinampahan ng kasong importation of a controlled substance matapos maaresto noong Huwebes.

Batay sa court records, nakatanggap umano ang mga awtoridad ng impormasyon na ang Greek-owned at Liberian-flagged oil tanker na Aquatravesia ay umalis ng Ecuador at papunta sa US habang may lulan na ng ilegal na droga.

Nadiskubre umano ng mga crew member ang mga paketeng pinaghihinalaang cocaine na nakatago sa garbage room ng barko. Matapos imbestigahan ng kapitan ang crew, lumitaw na ang naturang Pinoy umano ang nagmamay-ari ng mga kontrabando.

Iniulat din ng kapitan na habang nasa karagatan ng Mexico ang barko, may mga armadong miyembro umano ng Mexican cartel na sakay ng maliliit na bangka na naghihintay mga 80 nautical miles mula sa pampang noong gabi ng Mayo 14 hanggang madaling-araw ng Mayo 15.

Nakatanggap din umano siya ng mga tawag sa radyo na pinaniniwalaang mula sa cartel na “attempting to hail the Aquatravesia prior to a boarding or takeover,” ayon sa press release ng US Attorney's Office ng Central District of California.

Dahil dito, inutusan ng mga awtoridad ng US ang barko na dumiretso sa pinagsamang ports ng Los Angeles at Long Beach upang mapuntahan ito ng mga operatiba ng gobyerno.

Narekober ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 227 kilo ng cocaine mula sa loob ng barko.

Napag-alaman din umano ng mga imbestigador na natanggap ng Pinoy ang droga sa Ecuador at balak itong ipamahagi habang naglalayag ang barko malapit sa Mexico.

Kapag napatunayang nagkasala, maaaring maharap ang nadakip na Pinoy sa minimum na sentensyang 10 taon na pagkakakulong sa federal prison o pinakamabigat na habambuhay na pagkakakulong, ayon sa US Justice Departmen

"Homeland Security Investigations and the United States Coast Guard are investigating this matter," sabi ng US Attorney's Office sa Central District of California.

Wala pang inilalabas na pahayag ang Philippine Embassy sa Los Angeles tungkol sa kondisyon o sitwasyon ng nadakip na Pinoy.—FRJ GMA News