Pito katao ang nasawi, at nasa 13 iba pa ang sugatan, nang araruhin ng isang pampasaherong van ang tatlo pang sasakyan sa Dumalinao, Zamboanga del Sur.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang madugong insidente nitong Martes sa national highway sa bahagi ng Barangay Paglaum.

Sa tindi ng banggaan, nawasak ang pampasaherong van at naipit ang driver nito.

Nagtulong-tulong ang mga awtoridad at mga residente para tulungan ang 17 tao na nakasakay sa van.

Sa kalsada, makikitang nakahandusay ang iba pang biktima, at ang nagkalat na mga gamit.

Ayon sa Police Regional Office 9, lima sa pitong nasawi ay nakasakay sa van.

Nasawi rin ang isang nakasakay sa isang motorsiklo na nabangga ng van, at isa pang nakasakay sa motorsiklo na may sidecar.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa Ipil, Zamboanga Sibugay ang van na papunta sa Pagadian City.

Ngunit pagdating sa Dumalinao, nawalan umano ng preno ang van, at nasalpok ang mga sasakyan na nasa harapan nito.

“Allegedly nawalan ng break yung van. And then, una niyang nabangga ay isang motor, and then ang motor na ‘yon ay may dalawang sakay. After ng motor, nabangga niya naman ang isang wing van na truck na naka-park sa gilid ng kalsada,” ayon kay Police Major Shellamie Chang, Spokesperson, PNP, PRO-9.

“Luckily walang sakay yung van dahil bumaba yung driver at kaniyang pahinante. Pangatlo niyang nabangga is motorcycle na may sidecar,” dagdag ng opisyal.

Dinala sa ospital ang 13 sugatan na patuloy na nagpapagaling.

Nakikipag-ugnayan na umano ang may-ari ng pampasaherong van sa pulisya, at maging sa mga kaanak ng mga nasawi, at sa mga dinala sa ospital.

Sinusubukan pang makahanan ng pahayag ang mga kaanak ng mga nasawi at ang mga sugatan,” ayon sa ulat. – FRJ GMA News