Isang truck na may kargang tone-toneladang scrap metal ang tumagilid sa Antipolo, Rizal. Ang hindi alam ng mga rumesponde sa aksidente, may magtiyuhing sakay ng motorsiklo na nadaganan ng mga bakal at inabot pa ng ilang oras bago sila natagpuan— pero huli na.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang nasawing magtiyuhin na sina Bobby at Kyle Pamilar.

Pauwi na umano ang mga biktima sakay ng motorsiklo nang mangyari ang trahediya sa Ortigas Extension, Brgy. Dela Paz, Antipolo City dakong 10:00 p.m. nitong Miyerkules.

Ayon sa nagdadalamhating asawa ni Bobby na si Juliet, pitong-buwang buntis, nag-text sa kaniya ang mister na pauwi na ito galing sa trabaho.

Pero pagkaraan ng ilang oras, nag-alala siya nang hindi pa dumarating ang asawa kaya pinuntahan nito ang lugar na pinagtatrabahuhan ng mister.

Nadaanan pa raw ng ginang ang tumagilid na truck at wala siyang kamalay-malay na nandoon at naipit ng mga bakal ang kaniyang asawa.

Dakong 7:00 a.m. na nang matanggap niya ang masamang balita tungkol sa sinapit ng mga biktima.

Ayon sa mga awtoridad, hindi kaagad nalaman na may dalawang tao na nadaganan dahil sa dami ng mga bakal na karga ng truck.

Itinakbo sa ospital ang magtiyuhin pero hindi na sila umabot ng buhay.

Hinanakit ni Juliet, maaaring nakaligtas ang kahit isa man lang sa mga biktima kung kaagad naalis ang mga bakal na nakadagan sa kanila.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck na si Jonathan Almeda, at sinabing may iniwasan siyang motorsiklo kaya nawalan siya ng kontrol sa truck na naging dahilan ng pagtagilid nito.

Nahaharap si Almeda sa kaukulang reklamo dahil sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News