Tatlo ang nasawi, kabilang ang dalawang bata, nang bumagsak ang isang footbridge sa Cebu City na dinagsa ng mga tao para makita ang malaking sawa na inanod ng ilog.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing dahil sa naranasang pag-ulan ay naging malakas ang agos ng ilog sa Sitio Riverside sa Barangay Guadalupe, Cebu City nang lumabas ang malaking sawa.

Kasunod nito, nagpuntahan naman at nagsiksikan sa footbridge ang ilang residente para makiusyoso nang biglang bumagsak ang tulay.

Hindi umano bababa sa sampung residente ang nahulog sa ilog at tinangay ng rumaragasang tubig.

Nasagip ng ilang residente at rescue team ng lokal na pamahalaan ang mga nahulog pero hindi hindi kaagad nakita ang dalawang bata at isang nakatatanda.

Nakita kinalaunan ang tatlo na wala nang buhay.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente at balak nang ilikas ang mga residente na nakatira sa gilid ng ilog.-- FRJ, GMA News