Patay sa operasyon ng pulisya ang kilabot umanong holdaper sa Antipolo City, Rizal na ginagamit pa raw ang ilang menor de edad sa kaniyang modus. Ang suspek, kahit mga kakilala ay binibiktima umano.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, maririnig sa video footage ang ilang putok ng baril nang dumating ang mga pulis sa mataas at masukal na parte ng Sitio El Dorado sa Barnagay San Jose sa Antipolo City.
Kaagad naman sumagot ng putok ang mga awtoridad at nang humupa ang putukan, patay ang itinuturing na high value target na si Ivan Vargas, 23-anyos.
Nakuha sa loob ng hideout umano ni Vargas ang isang baril, mga bag, wallet at iba pang gamit na pinaniniwalaan na mula sa kaniyang mga naging biktima.
Kuwento ng mga saksi at naging biktima niya, kilabot na sa robbery holdup, snatching, hi-jacking at maging carnapping sa Antipolo ang suspek na gumagamit pa raw ng mga menor de edad sa panghoholdap.
Wala rin daw itong pinapatawad at kahit kakilala ay binibiktima.
Ikinatuwa naman ng isa pang nabiktima umano Vargas ang pagkakapatay dito dahil matatahimik na ang kanilang lugar.
Target ngayon ng followup operation ng Antipolo Police ang iba pang kasamahan umano ni Vargas.-- FRJ, GMA News
