Anim katao ang patay, habang 17 iba pa ang nasaktan—kabilang ang ilang bata—nang tamaan ng kidlat ang puno na kanilang sinilungan sa Sipalay City, Negros Occidental nitong Miyerkoles ng hapon.



Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho'"nitong Miyerkoles ng gabi, ipinakita ang video habang nag-iiyakan ang mga biktima.

Ayon sa awtoridad, nagpapahinga ang mga nagtatabas ng tubo kasama ang ilang bata matapos manghalian nang bumuhos ang ulan.

Sumilong ang mga biktima sa ilalim ng isang puno na tinamaan naman ng kidlat.

Idineklarang dead on arrival sa Sipalay Hospital ang anim na nasawi.

Ginagamot naman sa ospital ang mga nasugatan, kabilang ang ilang bata.-- FRJ, GMA News