Patay ang apat na suspek matapos umano'y manlaban sa iba't-ibang buy-bust operation sa Bulacan pasado alas-onse ng gabi nitong Miyerkules, ayon sa ulat ni Victoria Tulad nitong Huwebes sa Unang Balita ng GMA News.
Nabaril si Gilbert Lopez sa mismo niyang bahay sa Barangay Look 1st, Malolos ng mga pulis matapos daw itong manlaban.
Nakahanap diumano ang mga pulis ng drug paraphernalia malapit sa katawan ni Lopez, na siya raw supplier sa Look 1st.
Aabot sa P130,000 ang halaga ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu na na-rekober sa loob ng bayong na nahanap ng awtoridad sa bahay ni Lopez.
Namatay rin ang lalaking kinilalang alyas Ric sa isang barilan laban sa mga pulis na itinuring siyang suspek. Nahanap umano sa katawan nito ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu at isang .38 kalibre na baril.
Dahil rin daw sa panlalaban sa police operation ang pagkamatay ng itinuturong suspek na si alyas Onad sa Sta. Maria, Bulacan, habang nakatakas ang kasabwat nito sa isang motorsiklo.
Sabi ni Superintendent Carl Omar Fiel, "Itong suspek natin tumakbo papunta dito sa loteng ito para umeskapo. Meron po tayong backup na mga pulis na siya ring gumanti ng putok laban sa suspek."
Ang huli sa mga suspek na napatay ay si alyas Dame, na siyang dati nang nagsilbi ng sampung taon sa piitan dahil sa iligal na droga, sa isang engkwentro sa Guiguinto.
Bukod sa mga napatay ng pulis, naaresto ang mahigit 30 na suspek sa buong Bulacan.
Kabilang dito ang barangay kagawad na si Doris Abraham, na siyang nanalo sa nakaraang eleksyon bagaman siya'y nakapasok sa narco list na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte. — Rie Takumi/RSJ, GMA News