Naging maaksyon ang isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa isang drug den umano sa Antipolo City, Rizal nang manlaban daw ang magkapatid na sinasabing nagtutulak ng droga at sangkot din sa nakawan.



Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing armado ng search warrant ang mga operatiba ng pulisya nang salakayin nila ang umano'y malaking drug den sa Barangay San Isidro sa Antipolo City.

Pero habang papalapit ang mga awtoridad sa target na bahay, biglang narinig ang mga putok ng baril.

Kaagad na kumilos ang assault team hanggang sa napasok ang target na bahay kung saan napatay sa engkwentro ang magkapatid na suspek na sina Nelson at Manuel Rubio.

Bukod sa mga tulak umano ng droga, kilabot umanong snatcher ang magkapatid.

Naaresto naman sa naturang raid ang 14 katao na umano'y pusher at user. Kabilang sa mga nadakip dalawang babae at dalawang menor de edad.

Ayon kay P/Supt. Serafin Petalio II, hepe ng Antipolo police, nagrereklamo ang mga residente sa lugar na talamak ang nakawan at may mga siga na nanakot.

Hindi na umano nagbigay ng pahayag ang mga naaresto.

Nakuha naman sa crime scene ang isang shotgun, isang 9mm na baril, at hinihinalang shabu at paraphernalia.

Nakatakas naman sa operasyon sina Alyas Peter at Alyas Barok, na tinutugis ngayon ang mga awtoridad.

Susuriin din ng mga awtoridad kung nagamit sa ibang krimen ang mga narekober na baril.-- FRJ, GMA News