Isang pari ang itinuturo ng pamilya ng 28-anyos na single mother na natagpuang patay at nakagapos sa San Fernando, Camarines Sur. Ayon sa pamilya, may relasyon umano ang dalawa at sinasabing makikipagkita sana ang biktima sa pari bago nakita ang kaniyang bangkay.
Sa ulat ni JP Soriano sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang pari na si Father Paul Tirao. Ayon sa pamilya ng biktimang si Jeraldyn Rapiñan, nagkaroon ng relasyon ang dalawa at nagbunga pa umano ng isang anak.
Nagsilbi raw na kasambahay noon ng pari ang biktima.
READ: 28-anyos na single mother, natagpuang bangkay na at nakaposas
"Itong anak ko nagpaalam siya na aalis muna. Hindi naman daw siya magtatagal, mga 15 minutes lang. Pupunta raw siya kay Father. Baka raw kasi magbigay na sa kaniya ng pera na pampabinyag sa bata," sabi ng ama ni Jeraldyn.
"Umiiyak anak ko, kinausap ako. Sabi niya 'Pa, patawarin mo ako.' 'Bakit?' Pagtatanong ko. 'Buntis ako.' 'Kanino 'yan?' Muli kong tanong. 'Kay father,' sabi niya," sabi pa ng ama ng biktima.
Halos ganito rin ang pahayag ng dalawa pa nilang malapit na kamag-anak.
"Sa isip ko, naturingan pa naman siyang pari tapos ganyan pa ang ginawa niya sa anak ko. Napakabigat na kasalanan," sabi pa ng tatay ng biktima.
"Maawa na kayo sa anak ko. Nadapa na nga, pinatay pa at pinahirapan. Napakasakit sa loob para sa isang ina na tulad ko," sabi ng nanay ni Jeraldyn.
Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ni Father Paul sa kaniyang parokya sa San Fernando, Camarines Sur, ngunit nalamang inilipat na raw siya ng simbahan sa Iriga City.
Napuntahan din ang simbahan sa Iriga, ngunit tumangging humarap sa camera o magbigay ng pahayag si Father Paul.
Sinabi ng pamunuan ng Archdiocese of Caceres na paiimbestigahan nila ang mga alegasyon sa naturang pari.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing pinuntahan ng GMA News si Fr. Paul sa bago niyang parokya sa Iriga City pero wala siya doon dahil ipinatawag daw ni Archbishop Rolando Tirona.
Sabi naman ng sekretarya ni Fr. Paul na tumangging humarap sa camera, bagama't hindi raw sila pinapayagang magbigay ng komento sa isyu, kinumpirma niyang naging kasambahay ng pamilya ng pari si Jeraldyn.
Ngunit hindi daw palaging nagkikita ang dalawa kaya imposible umanong ang mga ibinibintang ng pamilya ni Jeraldyn sa pari.
Nilinaw din niyang hindi nakakulong ang pari at tuloy pa rin ito sa paglilingkod sa simbahan.
"We are deeply troubled that in media reports a priest has been alluded to as person of interest. We hold that report very serious," sabi ni Rev. Fr. Luisito Occiano.
Ayon naman sa pulisya, bumuo na sila ng task force na tututok sa pagpatay kay Jeraldyn, na batay sa autopsy report ay namatay sa sakal.
Noong Huwebes ng nakaraang linggo nang magpaalam si Jeraldyn na aalis sa kanilang bahay ngunit hindi na siya nakabalik.
Nakita ang kaniyang bangkay noong Hunyo 15 sa gilid ng highway sa San Fernando, na nakatakip ng malong sa ulo, may tali sa leeg, sa binti at nakaposas ang dalawang kamay.
"Parang sinakal po siya. May mga tama siya sa katawan na parang sinaksak pero hindi naman siya fatal," sabi ni SPO1 Porfirio Jesus Bragais.
"Allegedly po talaga binaba lang siya at hinulog lang siya dito sa ano sa area ng San Fernando," sabi pa ni Bragais. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News