Matindi ang sama ng loob ng isang ginang sa guro ng kaniyang 11-anyos na anak dahil sa ginawa umanong pambababoy sa biktima sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.  Naganap umano ang pang-aabuso nang isinama ng guro ang bata para ilaban sa kompetisyon.

Sa ulat ni CJ Torida ng Regional TV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabi ng ginang na dinala ng guro ang kaniyang anak sa isang kompetisyon sa bayan ng San Ildefonso nang walang paalam.

Pero bago umano makarating sa lugar ng kompetisyon, dinala raw muna ng guro sa kakahuyan ang biktima at doon isinagawa ang pang-aabuso sa bata.

Pinagbantaan pa raw ng guro ang biktima na papatayin kapag sumigaw nang gawin ang kahalayan.

"Kinausap ko yung anak ko. Sabi niya pagdating na lang sa bahay. So nung dumating kami sa bahay ang sabi niya sa akin, 'mommy ipadoktor mo na ako," anang ginang.

Sabi naman ng pamunuan ng eskwelahan, hindi nila alam na isinama ng guro ang estudyante.

Ayon sa pinuno ng paaralan, idinahilan umano ng guro nang kaniyang tanungin na hindi sumasagot ang magulang ng bata nang kaniyang tawagan.

"Sa mga teacher dapat kailangan natin ng clear na pamamaalam kapag nilalabas yung bata. Kailangan din ng parental consent," paalala niya sa mga guro.

Itinanggi naman ng inirereklamong guro ang paratang at may hawak daw siyang ebidensya na nakarating sila agad sa kompetisyon.

"In the first place, alangan naman sa bagay lang na 'yan isusugal yung propesyon ko di ba?," saad niya.

Matinding trauma raw ang inabot ng bata na hindi na pumapasok sa klase at planong ilipat na lang sa ibang eskwelahan.

Plano na raw ng suspek na mag-leave para asikasuhin ang kaso laban sa kaniya.
Ayon sa pulisya, sasampahan ng kasong act of lasciviousness in relation to Republic Act 7610 ang guro.

Sa ipinadalang text message ng legal officer ng Department of Education-Ilocos Sur Division, sinabi nitong hindi na muna pinagtuturo ang inirereklamong guro at mananatili muna ito sa tanggapan ng school head. -- FRJ, GMA News