Arestado sa entrapment operation ang isang opisyal ng barangay sa San Jose del Monte, Bulacan matapos umanong kikilan ng baboy at pera ang isang piggery para sa kanilang Christmas party.


Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang inaresto na si Jerry Monteras ng barangay Kaypian.

Sa isang video, makikita si Monteras na tila namimili ng baboy sa piggery at pagkatapos ay inabutan ng sobre na may lamang pera ng caretaker na si Lino Ligso.

Habang hawak na ang tali na may baboy at pera, kumilos na ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para arestuhin si Monteras.

Ayon sa nagreklamong si Ligso, lumapit sa kanila si Monteras para sa pera at baboy na gagamitin daw sa Christmas party.

"December  3 bumalik na sa akin. Sabi niya sa akin na, 'Kamusta 'yung hinihingi kong baboy? 'Pag hindi kayo magbibigay, ipapasara ko 'yung piggery niyo," ayon kay Ligso.

Dahil sa banta, nagsumbong si Ligso sa mga awtoridad.

Pinabulaanan naman ni Monteras ang bintang at iginiit na hindi siyang nanghihingi ng hayop o pera sa piggery.

Nasa kostudiya na ng CIDG-Bulacan ang suspek na mahaharap sa kaukulang reklamo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News