Duda ang isang ina sa Davao City na ginahasa ang kaniyang 5-anyos na anak ng kapitbahay nilang "padyak" o pedicab driver.

Umiiyak ang bata at sugatan nang umuwi isang gabi sa kanilang bahay, ngunit hindi ito nagsasalita at nang ipasuri, positibo umanong ginahasa ang bata ayon sa ina.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing kinutuban na umano ang ina nang makita ang anak na humihikbi at may sugat sa mukha.

Suspek ng ina ang padyak driver nilang kapitbahay.

Noong linggo umano ng gabi, nakita ng kapatid ng ina na kasama ng suspek ang bata.

"Galing ako sa kapatid ko. Nakasalubong ko at nakita kong may kasamang bata papasok ng abandonadong building [ang padyak draiver]. Hinahanap ko 'yung bata. Sabi ko, 'nasaan 'yung bata?' nasa labas daw. Sabi ko [sa kapatid ko], tingnan mo du'n sa building baka siya 'yung binitbit ng payak drayber," pahayag ng kapatid ng ina ng bata.

Pahayag ng ina, "Matagal na siguro niyang dinadala doon ang anak ko. Hinihila niya tapos bibigyan niya ng pera. 'Yun lang talaga na aktuwal na nahuli ng kapatid ko."

Nakainom umano ang suspek nang mangyari ang krimen.

Ngunit, itinanggi ng suspek ang akusasyon.

Sabi niya, "Nagtataka nga ako kung bakit nila ako siniraan. Sa tagal ko na rito sa Davao, wala akong ginagawang masama, 'yang rape rape na 'yan."

Nahaharap sa reklamong rape ang suspek. —LBG, GMA News