Dinakip ang tatlong lalaking sangkot umano sa droga sa kalagitnaan ng piyesta sa Baao, Camarines Sur.

Ayon sa mga awtoridad, itinago pa umano ang mga suspek and mga pakete ng droga kung saan-saan —sa pitaka at makeup kit.

Dalawang magkasunod na operasyon ang isinagawa ng pulisya sa barangay sa Baao, kung saan inuna nila ang bahay ng suspek na si Rene Gallarte.

Nakita sa isang pitaka ang mga pakete ng shabu, at ang mga foil at plastic sa isa niyang kuwarto.

Dito umano gumagamit ang kaniyang mga parokyano.

Aminado si Gallarte na gumagamit siya, pero itinangging nagtutulak siya.

Arestado rin ang kaanak niyang si Joey Bernales, na nagdahilang nakikipiyesta lang siya.

"Hindi na po, surrenderee na po ako. Nag-ano na ako sa Oplan Tokhang," ani Bernales.

Huli naman sa ikalawang operasyon si Glenn Parro, na itinago sa isang make-up kit ang mga nasabat na droga.

Bukod dito, natagpuan din ang mga baril mula sa kama ng suspek.

Tumanggi si Parro na siya ang may-ari ng droga, pero umaming kaniya ang mga baril.

Papilosopo pang sumagot si Parro nang tinanong kung nagtutulak siya.

Sagot niya, "Minsan nagtutulak ako sir, 'yun sasakyan 'di umaandar... Minsan sir hindi naman natin yan ide-deny 'yan dahil nu'ng kabinataan ko, pero ngayon hindi na," pahayag ng suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA News