Patay ang isang rape suspect sa Davao City nang manlaban umano sa mga pulis, ayon sa ulat ng "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes.

Kinalala ang suspek na si Eduardo Cecondes na inakusahang gumahasa umano sa limang taong gulang na batang babaeng kapitbahay nitong linggo, ayon sa ulat ni R-Gil Relator ng RTV-One Mindanao.

Nagkalat ang dugo sa sahig ng San Pedro Police Station matapos mabaril ang suspek nitong Miyerkules ng umaga.

Inaresto si Cecondes ng mga pulis at dinala sa kanilang istasyon, pero habang sumasailalim sa pagkuha ng fingerprints para sa booking procedure, nang-agaw umano ang suspek ng baril ng pulis.

Pero kaagad naman siyang nabaril ng isa pang pulis na si Police Officer 1 Argen Ayao.

Isinugod pa si Cecondes sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Nang makausap ng GMA News ang ina ng batang biktima, sinabi niyang natakot daw sila nang mabalitaan ang sinapit ng suspek dahil baka balikan daw sila ng mga kamag-anak nito.

Nitong Martes, nakapanayam pa ng GMA News ang suspek na itinanggi ang krimeng panggagahasa.

Napag-alaman namang may warrant of arrest din si Cecondes sa kasong attempted homicide sa Veruela, Agusan Del Sur.

Samantala, wala pang pahayag ang pamilya ni Cecondes.

Iimbestigahan naman daw ng pulisya ang pagkakabaril sa suspek. —Joviland Rita/ LDF, GMA News