Naging madugo ang masayang Christmas party sa Iloilo City nang mauwi sa saksakan ang paghaharap ng isang lalaki at ang kalaguyo umano ng kaniyang misis.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, dinala sa ospital dahil sa tinamong saksak sa tagiliran si Daniel Pillora. Sumuko naman sa mga awtoridad ang nakasaksak sa kaniya na si Rogen de Dios.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na dumalo sa naturang Christmas party ang asawa ni Pillora. Pero hindi ang biktima ang kasama ng ginang kung hindi ang suspek na si De Dios.

Dati na umanong pinaghihinalaan at pinaseselosan ni Pillora na may relasyon ang kaniyang asawa kay De Dios. Kaya nang magkita ang dalawa sa pagtitipon, nagkaroon ng komprontasyon na nauwi sa karahasan.

Tinangka umano ni Pillora na saksakin si De Dios ng dala nitong screwdriver. Pero naagaw ng suspek ang screwdriver at isinaksak sa biktima.

Kahit ang misis ni Pillora, mas kinampihan si De Dios. Batid daw ng ginang ang matagal nang pagbabanta ng kaniyang mister laban sa suspek.

"Pinilit niya ako, sabi niya sa akin na kung ayaw kong bumalik, papatayin niya 'yung isa," sabi ng ginang.

Sa huli, mas pinili ni misis na samahan sa kulungan si De Dios kaysa alagaan ang kaniyang mister sa ospital.-- FRJ, GMA News