Anim na tao ang natagpuang patay nitong Sabado sa Gonzaga, Cagayan.

Ang mga biktima ay nagtamo ng maraming saksak na siyang ikinamatay nila.

Ayon sa pulisya, ang tatlo sa mga biktima ay kinilalang sina Dizon Oandasan, 42; Sany Oandasan, 47; at Juanito Soliva, 53. Mag-asawa sina Dizon at Sany, samantalang ama ni Sany si Soliva. 

Patay rin ang tatlong anak na menor de edad ng mga Oandasan na may mga edad na 12, 13, at 5 taon.

Nakaligtas naman ang isa pang anak ng mga Oandasan na may edad na tatlong taon ngunit siya ay sugatan. Dinala na siya sa ospital.

Nakatanggap ang pulisya ng ulat nitong Sabado ng umaga mula kay Barangay Captain Edgar Rasos na may nangyaring pananaksak sa Sitio San Francisco, Barangay Ipil.

Wala na ang suspek nang dumating ang mga pulis sa pinangyarihan ng krimen.

Kasalukuyan pang iniimbestiga ng mga pulis ang pangyayari.

Posibleng nangyari ang krimen gabi ng Biyernes o madaling araw ng Sabado, sabi ng pulis, ayon sa ulat sa News TV Live ng GMA News TV nitong Linggo.

Isa sa mga tinitingnang motibo ay away sa lupa. —KG, GMA News