Isang babae ang nasawi, habang sugatan ang pitong iba pa nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang van sa Mankayan, Benguet.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing biktima na si Aida Paldingan.

Nadala pa raw si Paldingan sa ospital pero binawian din ng buhay. Sugatan naman ang driver at anim pa niyang kasamahan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng mechanical problem ang van hanggaang sa mawalan ng kontrol ang driver at mahulog ito sa bangin.

Sa Amlan, Negros Oriental naman, halos maputulan ng binti ang mag-asawang Emaro at Maria Rosemalyn Mora matapos maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo.

Ayon sa mga pulis, habang tinatahak ng mag-asawa ang highway, sumabit ang manibela ng kanilang motorsiklo sa likurang bahagi ng isang truck na dahilan para sila tumilapon.

Isinugod sa ospital ang mag-asawa kung saan kailangan silang operahan dahil sa matinding sugat na kanilang tinamo.

Dinakip pero pinalaya rin kinalaunan ng mga pulis ang driver ng truck dahil lumilitaw sa imbestigasyon na ang motorsiklo ng mag-asawa ang kumain sa linya ng truck.--FRJ, GMA News