Isang supervisor ng traffic marshall support group na nag-iinspeksyon sa Biñan, Laguna ang pinagbabaril ng riding in tandem nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV na nakatayo sa bangketa at nagbabantay ang biktimang si Ranky Espiritu kasama ang dalawang tauhan dakong 8:00 p.m.

Hindi nagtagal, dumating ang isang motorsiklo na may sakay na dalawang nakatakip ang mga mukha. Nang matapat sila kay Espiritu, naglabas ng baril ang angkas at pinagbabaril ang biktima.

Napatabumba si Espiritu dahil sa tinamong mga tama ng bala habang hindi naman nasugatan ang kaniyang mga tauhan.

Kaagad na isinugod sa ospital si Espiritu na masuwerteng nakaligtas.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang pitong basyo ng bala.

Nakatakas naman ang mga salarin.

Patuloy ang iniimbestigahan ng mga pulis kung sino ang mga salarin at ano ang motibo sa krimen.--FRJ, GMA News