Isang Grade 10 student ang nabalian ng ilong matapos siyang pagtulungang gulpihin ng mga kaeskwela sa Paoay, Ilocos Norte. Sa Mangaldan, Pangasinan naman, isang estudyante rin ang nasaktan matapos naman suntukin ng "outsider" habang nasa loob ng paaralan.

Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing namamaga ang mata at kailangang operahan dahil sa nabaling ilong ng biktimang Grade 10 student.

Sa video, makikita ang paghandusay ng biktima matapos siyang pagtulungan ng mga salarin. Kahit nakatumba na, sinipa pa rin ang biktima.

Ayon sa nakasaksi, biglang sinugod ng apat na salaring mga Grade 10 students din ang biktima.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na babae ang ugat ng gulo.

Ayon sa biktima, balak niya noong kausapin ang isa sa mga nambugbog sa kaniya para linawin ang sinasabi umano ng ex-girlfriend na hindi naman daw totoo.

Desidido ang tiyahin ng biktima na magsampa ng kaso laban sa mga nanakit sa kaniyang pamangkin at maalis sa paaralan ang mga nambugbog.

Samantala, isang 17-anyos na estudyante ang idinadaing na hirap siyang lumunok at masakit ang leeg  matapos siyang suntukin ng isang "outsider" habang nasa loob siya ng paaralan sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa hiwalay na ulat ni Joanne Ponsoy ng RTV-Balitang Amianan, ikinuwento ng biktima na nagpahinga siya sa harap ng centennial building ng paaralan matapos na dumalo sa bible study sa isang classroom nang bigla na lang siyang suntukin ng salarin.

Naniniwala ang biktima na hindi estudyante sa paaralan ang sumuntok sa kaniya at hindi rin daw ito naka-uniporme.

Hinanakit ng ina ng biktima, bakit may nakapasok na "outsider" sa paaralan.

Magsasagawa raw ng imbestigasyon ang pulisya at paaralan kaugnay sa nangyaring insidente para matukoy ang suspek.

READ: Grade 11 student na pinagtulungang gulpihin ng 3 kaeskwela, pumanaw na

Kamakailan lang, isang estudyante sa Mangaldan ang pumanaw matapos na ma-comatose ng ilang araw bunga nang sinapit na pambubogbog sa mga kapwa estudyante sa loob ng paaralan. -- FRJ, GMA News