Madugo ang naging wakas ng alitan ng dalawang magkaibigan sa Cebu City nang mauwi na barilan ang kanilang sigalot na nagresulta sa pagkasawi ng mag-ama at ng isa pang lalaki.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, makikita sa video ang mga duguang  katawan ng mag-amang Edwin at Shaun Bacaltos, at si Vanzant Navales.

Nangyari ang insidente sa Barangay Sambag Uno, Cebu City dakong 6:00 a.m. nitong ng Lunes. Dead on the spot si Navales, habang sa ospital naman idineklarang patay ang mag-amang Bacaltos.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na kasama si Navales ang kapatid nang puntahan nito ang bahay ng mga Bacaltos.

Dito na umano nagkaroon ng mainitang pakikipagtalo si Navales sa dati niyang kaibigan na si Michael Bacaltos, na nauwi na sa pamamaril.

Anggulong selos o negosyo ang mga tinitingnang anggulo ng Cebu City Police Station 2 sa ugat ng alitan na nauwi sa madugong komprontasyon.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Michael pero hindi pa nagbibigay ng pahayag. Samantalang hinahanap naman ang kapatid ni Navales.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News